Ruby Ann Kagaoan – Calo
Walang kalungkutang mas sisidhi pa kaysa kalungkutang dulot ng pagiging malayo sa asawa, anak, o magulang. Minsan, nakalilimot sa sarili ang isang taong malungkot na malungkot. Nagagawa niya tuloy ang di niya akalaing magagawa niya tulad ng pakikiapid, pagkalulong sa bisyo, at sa kung anu-ano pang magbibigay ng pansamantalang ligaya.
Kasalanan man ayon sa Salita ng Diyos ang kanyang ginagawa, hindi pa rin niya mapigilan ang sarili na gawin ito. Madalas, tila hindi naman ito mali dahil nawawala ang kanyang lungkot at nakatutulong pa nga para mas maging produktibo siya o mahusay sa trabaho, dahil ito ang nagiging inspirasyon niya o libangan.
Minsan, gusto nating mapag-isa, marahil dahil masyadong maingay at magulo ang mundong ating ginagalawan. Minsan, nalulungkot tayo dahil hindi natin kayang matupad ang ating ninanais. Minsan, malungkot tayo dahil ganyan lamang ang takbo ng ating mood sa araw na iyon. Hindi ganitong kalungkutan ang tinutukoy ko.
Ang kalungkutan na aking isinasalaysay ay ang pagiging mag-isa, walang minamahal na kasama hindi lang sa isang araw o isa o dalawang linggo kundi isa o dalawang taon o higit pa. Hindi mabigkas na lungkot – malawak, malalim, at masidhing kalungkutan na kayang tumulak sa isang lalaki or babae na gumawa ng imoralidad.
Minsan, nakaranas ako ng ganitong kalungkutan. Tumagal nang apat ng buwan. Hindi ako OFW nang nangyari ito kundi young professional na gustong mamuhay na independente sa magulang. Excited akong kumuha ng sarili kong condominium unit at mga kasangkapang pambahay at makaalis mula sa aming bahay. Ngunit nang makamit ko ang tinatamasang pag-iisa, nadama ko ang kakaibang pagkawala. “Ganito pala,” naisip ko, “ganito pala ang tunay na kalungkutan.” Ang sugat na dala ng panahon na iyon sa akin ay malalim. Sa aming bahay, dahil sa labis na kalungkutan ng aking ama nang nawalay ako sa piling niya, nagkaroon ng komplikasyon ang kanyang diabetes hanggang ito’y umabot sa kanyang kamatayan. Nayakap ko ang aking ama bago siya pumanaw, ngunit huli na.
Nakamamatay ang labis na kalungkutan.
Naiisip ko si Jesus. Wala nang makahihigit pa sa kalungkutan ni Jesus nang Siya’y nakapako sa krus upang bayaran ang ating mga kasalanan at sa oras na iyon Siya’y wala sa presensiya ng Kanyang Ama. Sa Mateo 27:46 nakasulat, “Nang mag-iikasiyam na ang oras, si Hesus ay sumigaw nang may malakas na tinig. Sinabi niya: Eli, Eli, lama sabachthani? Ang ibig sabihin nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Naiintindihan ng Panginoong Hesus ang ating kalungkutan.
Kung sakaling nadarama mo ang masidhing kalungkutan at pangungulila, lapitan mo ang Panginoon at lalapit Siya sa iyo. Talikdan mo ang kasalanang nakapagpapalayo sa iyo sa Diyos. Iwasan mo ang kaaway ng iyong kaluluwa at lalayo ito sa iyo. At ang kapayapaan ni Kristo na hindi di-malirip ang siyang pupuno at mag-iingat sa iyong puso’t kaisipan. (Filipos 4:7)
Labing-limang taon na ang nakalilipas mula nang binigyan ng Diyos ng kapahingahang walang hanggan ang aking ama. Sa nangyayaring krisis sa ating bansang Pilipinas ngayon, malakas ang pagnanasa kong maging-OFW. Ngunit laging naaalala ko kung paano mawalay sa isang minamahal at hindi ko magawang iwanan ang aking asawa at mga anak para maging-OFW. Kaya’t para sa ating mga OFW, alam kong matindi ang tinitiis ninyong pag-iisa at alam kong madalas kinakailangan ninyong maging manhid para maituloy ang inyong buhay at trabaho sa ibang bansa. Dakila ang inyong pagsasakripisyo. At kung saan man kayo ngayon, alalahanin ninyo na si Kristo ay sapat upang ihilom ang inyong kalungkutan.
October 10, 2006 at 5:03 am |
how are you ruby? remember me?
November 8, 2006 at 5:20 am |
Sometimes sadness has to find its orifice somehow. The enerygy that is meant for it has to be released in order to be transformed in to a positie energy. The more you keep it the more you spread the posion. Christ is the always the source of joy. Release this and surrender it to Him.
April 27, 2009 at 6:44 pm |
muli e,eto at nais kong makisali sa mga magagandang lugar at mga usapan dito lalo na ang tungkol sa kung paanong tayo e makakapagbigay ng mga opinyon at kahit papaanong suporta sa bawat isa.Sa ‘kalungkutan’ e tutuo na malaking bagay ang teknolohiyang ito at eto,kahit paano e tila baga hindi ka nag-iisa at lagi ka ng me makakahunta at kapalitan ng kuro-kuro,at kahit paano e me pagbabakasakaling maka-pakibahagi sa pagsulong ng lipunan,pamilya at bayan.salamatpo.
April 28, 2009 at 5:05 pm |
Totoong nakatutulong ang teknolohiya sa pagbawas ang kalungkutan. Dahil sa Internet, nahahanap ako ng mga kaibigan kong matagal ko nang di nakikita at nagkakaroon ako ng mga bagong kaibigan.