Ruby Ann Kagaoan – Calo
Sabi ko sa aking mga anak, “Mag-o-OFW na lang ako, mga anak. Dalawang taon lang. Tiyak kong makaiipon ako kung mag-o-OFW ako. Dito sa ating bansa, hindi tayo makaipon, hindi tayo makaahon sa hirap… Habang malakas pa ako at bata pa.”
Ilang beses ko nang nasabi ito sa aking mga anak. Alam nila ang ibig sabihin ng kanilang ina dahil ilang taon na rin silang nakararanas na hindi sigurado kung sila’y makakakain pa, makaaaral pa, makakatira pa rin sa bahay na may ilaw o’ muli na namang gagamit ng kandila at kung darating na ang mga tauhan ng bangko upang palayasin kami sa aming bahay na foreclosed.
Walong taon na ang nakalilipas nang ginawa kong kolateral para sa negosyo ang tahanan na namana ko mula sa aking mga magulang. At nang hindi na nakaya ng aking negosyo ang pataas nang pataas na interes ng bangko at renta sa puwestong komersyal habang may malawakang krisis sa Asya, nagsara na lamang ako ng negosyo, isang popular na domestic ticketing office. Noong mga panahon na iyon, may kanser ang aking ina at nalumpo ng arthritis at gout ang aking asawa. Kasasara pa lamang ng aking negosyo nang namatay ang aking ina. Himalang nakalakad naman ang aking asawa. At sa disenyo ng Panginoon, kami’y nagkaroon ng dalawa pang anak.
Ngayon ay lima na ang aking mga anak. Isang taong gulang pa lamang ang bunso ko at labing-tatlong taong gulang ang aking panganay. Habang sinusulat ko ito, nakaratay muli ang aking asawa nang ilang linggo dahil sa arthritis at gout. Sa palagay niya ay hindi na siya makalalakad pa. Mahinang-mahina na siya. Malambot na’t payat ang dati niyang maskuladong katawan. Natural medicines lamang ang naibibigay ko sa kanya, dahil ito lamang ang aking kayang bilhin. Libre man ang doktor, hindi ko kaya ang mga gastusin para sa medical examinations at pagpapa-ospital, di tulad nang dati.
Kamakailan lamang, natanggap ko ang kopya ng sulat ng bangko na humihingi ng writ of possession mula sa korte upang magkaroon sila ng karapatang lusubin ang aming tahanan at palayasin kami. Araw na lamang ang binibilang ko bago kunin ng bangko ang aming nag-iisang tahanan. Napakaliit pa ng aking mga anak at nag-iisa lamang ako sa pag-aalaga sa kanila at sa aking may-sakit na asawa.
May isang matalik na kaibigan ang aking asawa. Filipino rin siya. Australia ang oportunidad na inihahandog niya sa amin. Sabi niya ay may gustong kumuha sa akin bilang manunulat para sa isang bagong Filipino magazine sa Australia. Ito na yata ang pagkakataong hinihintay ko. Mahal na mahal ko man ang bansa ng aking lahi at nais kong patuloy na pagsilbihan ito, hirap na hirap na ang aking pamilya sa Pilipinas. Ngunit sa kabutihan ng Diyos, hindi ko kailangang iwanan pa ang aking pamilya. Sasama sila sa akin.
Sasama ako sa anod ng aking lahi
Lalayo sa bansang sinisinta
Dito, sa Perlas ng Silangan, ako idinuyan
Ng aking ina’t ama
At dito ko rin sila huling niyakap bago sila’y nahimlay
Ngayo’y mga anak ko ang aking yakap-yakap
Kinabukasan nila ang aking inaalala
Nag-iisa na lamang ako, ulila; asawa’y nanghihina
Tahanan nami’y acquired asset na lamang ng bangko
Sasama na ako sa anod ng aking lahi
Kung saan may bukang-liwayway
Sabi ng maraming Filipino
Sa mga bansang kung saan sila’y dayuhan
At ang tinig nila’y naiiba
Doo’y puso nila’y muling umaalab na may pag-asa
Buhay sumasagana
Di ko akalain, ako rin pala
Sasama sa Diaspora ng mga Filipino
July 14, 2006 at 6:41 am |
That’s the sad truth about Philippines. We could’ve capitalize on tourism and agriculture but our budget is being eaten by (un)knwon monsters. Security – in all aspects- has never been this vague. We are calloused for we still manage to smile and go on but maybe we are not for we are no longer the happiest people in the world.
April 27, 2009 at 11:26 pm |
wow!!!e kumusta na po? ofw na po baga kayo?
April 28, 2009 at 4:52 pm |
Hindi pa ako naging OFW, ngunit naging single mom ako.
April 28, 2009 at 5:31 pm |
oh,i’m sorry,and hope you are all ok,at muli kumusta,at salamat naman at eto nakakasali sa blog mo at sana e maka-paki-o magkatulong-tulong tayo,sa kahit maliit at makakaya natin alo na ang para sa bayan,gusto ko ang mga isinusulat nyo at sana e maibahagi ko rin sa iba,ako e napa-ibig na sa blog at nakikisagot lang ako at sana e me-kapuntahan din ang mga naisusulat ko,ang tutuo ay masaya ako dahil yung mga gusto kong maibahagi e kahit paano e…so,sana e ok lang na ako e makisali lagi dito…
April 29, 2009 at 2:35 am |
Sa awa ng Diyos, nakararaos kami ng aking mga anak sa mga pagsubok. Mahirap man, ngunit heto, buhay pa rin kami at labis na nagmamahal at nagpapasalamat sa Diyos.